
CAUAYAN CITY – Inaresto ang mag-ama matapos matuklasan ang dalawang puno ng Marijuana sa bakuran ng kanilang bahay sa Osmeña, City of Ilagan.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Drug Enforcement Unit, Isabela Police Provincial Office (IPPO), Provincial Intelligence Branch sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2.
Ang mga inaresto ay sina Noel Mondoñedo, 58 anyos at anak na si Charles, 25 anyos, kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na nagsabing naaktuhan umanong dinidiligan ng mga suspek ang dalawang paso ng hinihinalang Marijuana.
Sa pagtungo ng mga otoridad sa nabanggit na lugar ay nakumpirma na Marijuana na nakatanim sa paso sa bakuran ng mga suspek.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo, ikinatwiran ni Noel Mondoñedo na gagamitin ang mga tanim na marijuana na gamot sa bukol na tumubo sa kanyang likod.
Aniya na binigay sa kanya ng isang matandang lalaki ang mga buto ng Marijuana na kanyang itinanim.
Hindi niya umano alam na Marijuana ang ibinigay na buto sa kanya na tumubo at lumaki.
Dinala ang dalawang paso ng hinihinalang Marijuana sa Isabela Crime Labaratory at nasa pangangalaga na ngayon ng City of Ilagan Police Station ang mag-ama na lumabas na nasa DI watchlist ng PNP ang ama.
Sasampahan sila ng kasong paglabag sa section 16, article 2 ng Repblic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










