CAUAYAN CITY- Sugatan ang mag-ama matapos ma-hit and run ang sinasakyang nilang motorisklo ng isang van sa District 1, Cauayan City, Isabela.
Ang mga biktima ay kinilalang si Adonis Guillermo, kwarenta’y siete anyos at angkas nito na kaniyang anak na kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rodolfo Pondecilla, saksi sa insidente sinabi niya na parehong binabagtas ng motorsiklo at ang sasakyan ang daan na bahagi ng Brgy. District 1 patungong Poblacion Area.
Aniya, nagulat na lamang umano sila nang makarinig sila ng malalakas na mga busina bago sinalpok ng sasakyan ang motorsiklo ng mga biktima at mabilis na humarurot palayo sa lugar.
Wala na umanong malay ang tsuper ng motorsiklo nang kanilang lapitan habang nagtamo naman ng minor injuries ang anak nito.
Malakas aniya ang pagkakasalpok sa mga biktima dahil ang suot umano na helmet ng mga ito ay natanggal at tumilapon sa tinatayang pitong metro mula sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.