--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Tumauini Police Station ang mag-asawang residente ng Malamag West, Tumauini, Isabela matapos bastusin ang mga opisyal ng barangay na nagmamando sa quarantine checkpoint.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa mga kasapi ng Tumauini Police Station, dadaan sana ang mag-asawa sa nasabing checkpoint subalit pinahinto ng mga nagbabantay upang hingin ang kanilang home quarantine pass.

Dahil walang maiprisenta ang mag-asawa ay hindi sila pinayagang makalabas sa naturang barangay.

Sa halip naman na makiusap ng maayos ay pinagtaasan pa ng boses at kinukwestiyon ng mag-asawa ang mga nagmamando sa checkpoint.

--Ads--

Bukod sa pambabastos ay tinakasan din nila ang mga nagbabantay sa checkpoint subalit nahabol sila at dinala sa himpilan ng pulisya.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na disidido ang mga opisyal ng barangay na sampahan ng kaso ang mag-asawa dahil sa paglabag sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine upang magsilbing aral sa lahat ng residente ng bayan ng Tumauini.