--Ads--

Inihayag ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) executive director Brian Keith Hosaka na hindi na makikipagtulungan ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa proyekto ng flood control.

Ayon kay Hosaka, sa pagdalo sa pagdinig ng ICI ng mag-asawang Discaya ay parehong ginamit ng mga ito ang kanilang karapatan laban sa self-incrimination.

Si Curlee, na kasalukuyang nasa kustodiya ng Senado, ay unang dumating sa tanggapan ng ICI bandang 12:50 ng hapon. Samantala, si Sarah ay dumaan naman sa likurang pasukan ng gusali limang minuto matapos ang pagdating ng kanyang asawa.

Ayon sa naunang pahayag ng ICI, nakatakda ang pagdinig ng komisyon sa ganap na 1:00 ng hapon. Ito na ang ikatlong pagkakataon na nagsilbing resource persons ang mag-asawang Discaya sa imbestigasyon. Una silang humarap sa ICI noong Setyembre 30 at muling bumalik noong Oktubre 7.

--Ads--

Kamakailan ay naiulat na nagbigay ng “tell-all” na testimonya ang mag-asawa ukol sa flood control project sa naunang mga pagdinig, ayon sa kanilang abogado. Subalit sa pinakahuling sesyon, pinili na nilang huwag nang magsalita at tumangging makipagtulungan pa sa karagdagang imbestigasyon ng ICI.

Patuloy ang ICI sa pagsusuri sa mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects, na kinabibilangan ng mga kontratang pinasok ng mga Discaya.