CAUAYAN CITY- Sugatan ang mag-ina matapos silang pagbabarilin ng kanilang kabarangay sa kanilang mismong tahanan sa Brgy. Gomez, Benito Soliven, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Marietta Vizcara, 39 anyos at 16 anyos, habang ang suspek ay si Jordan Santos, nasa tamang edad, binata at pawang residente ng Gomez, Benito Soliven, Isabela.
Sa nakuhang ulat mula sa Benito Soliven Police Station, nasa kusina ng kanilang bahay kagabi ang mag-ina nang dumating ang suspek nang bigla na lamang silang barilin gamit ang isang airgun.
Nagtamo ng sugat sa kaliwang daliri si Marietta habang ang anak ay tinamaan sa likurang bahagi ng kanyang katawan na agad isinugod sa ospital ng mga tumugong opisyal ng barangay at mga pulis.
Kusang sumuko ang suspek sa mga opisyal ng barangay Gomez, Benito Soliven,Isabela saka dinala sa himpilan ng pulisya.



