CAUAYAN CITY – Patay ang magkapatid sa salpukan ng trailer truck at wing closed van sa San Luis, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ang mga namatay ay ang magkapatid na tsuper ng wing closed van at helper na sina June Bautista at Rico Bautista na kapwa residente ng Minuli, Carranglan, Nueva Ecija.
Ang tsuper ng trailer truck ay si Joebert Adilla, 35 anyos, may asawa at residente ng Talulit, San Fernando, Pampanga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Felix Mendoza, hepe ng Diadi Police Station, sinabi niya na batay sa kanilang imbestigasyon, habang nasa pakurbang bahagi ng daan ang wing van na patungong timog ay sumabog ang gulong nito.
Hindi na nakontrol ng tsuper ang manibela at sumalpok sa trailer truck na patungong hilagang direksiyon.
Ayon kay PCapt. Mendoza, ang gulong ng wing closed van na sumabog ay nasa 50%-60% pa ang kapal nito.
Ang nakikita nilang rason kung bakit ito sumabog ay posibleng mayroon itong nasagasaan na naging sanhi ng pagsabog nito.
Wala aniyang laman ang wing van habang ang trailer truck ay naglalaman ng mga boteng walang laman.
Ayon kay PCapt Mendoza, nasa pag-iingat na nila si Adilla dahil desidido na magsampa ng kaso ang pamilya ng magkapatid na namatay.
Nanawagan si PCapt Mendoza sa mga motorista na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho at tiyakin lagi na sila ay nasa tamang linya ng daan gayundin na laging suriin ang kanilang mga gulong para maiwasan ang aksidente.