Sugatan ang dalawang magkapatid matapos tagain ng nakaalitan sa District 1, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nitong gabi ng Marso 30 ay nag-iinuman at nagkakantahan ang mga biktima kasama ang kanilang pamilya at kaibigan.
Habang lumalalim umano ang gabi ay isang hindi pa nakikilalang indibidwal ang naghagis umano ng bato patungo sa kung saan nag-iinuman ang mga biktima. Subalit hindi lamang ang bahay ng mga biktima ang tinamaan kundi maging na rin ang bahay ng suspek na si “Jayjay” na naging mitya ng tensiyon sa magkabilang-panig.
Lumala pa ang kaguluhan nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga pamilya partikular ang Ina ng suspek at ng mga biktima. Kalaunan ay nakisali na rin sa gulo ang kanilang mga anak.
Sa gitna ng komosyon ay kumuha ng itak ang suspek at inatake ang dalawang magkapatid na biktima na nagresulta sa kanilang pagkasugat iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang magkapatid at ngayon ay kasalukuyan nang nagpapagaling.
Mabilis namang nakaresponde ang mga kapulisan dahilan upang maaresto ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong Multiple Frustrated Homicide.
Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng Pulisya upang matukoy ang iba mahahalagang detalye sa insidente kabilang na ang pagkakakilanlan ng indibidwal na naghagis ng bato na siyang pinagmulan ng gulo.











