--Ads--

Isang kakaibang selebrasyon ang ginawa ng may-ari ng Granville’s Coffee sa Quesnel, British Columbia, nang ipagdiwang ni Ted Martindale ang kanyang ika-80 kaarawan sa pamamagitan ng paggawa ng napakalaking carrot cake na may sukat na 17 x 17 talampakan.

Nakipagtulungan si Martindale sa iba’t ibang lokal na panaderya upang mabuo ang cake na gumamit ng mahigit 1,760 libra ng carrots, 700 libra ng mantikilya, libu-libong itlog, at halos 2,000 libra ng icing.

Ayon kay Martindale, inabot ng mahigit isang buwan ang paggawa ng 430 pirasong individual cakes na pinagsama-sama upang mabuo ang higanteng carrot cake.

Inihain ang cake sa kanyang birthday party sa lokal na senior’s center nitong Miyerkules.

--Ads--

Ang kasalukuyang Guinness World Record para sa pinakamalaking carrot cake ay hawak ng isang panaderya sa Surrey, British Columbia, na gumawa ng 4,574-libra na cake noong 2016.

Tinatayang umabot sa 6,044 libra ang bigat ng cake ni Martindale, ngunit kailangan pang suriin ng Guinness World Records ang ebidensya bago ito opisyal na kilalanin bilang bagong record.