Naaresto ang isang 18-anyos na lalaki matapos na pagsasaksakin at patayin ang magkasintahang menor de edad sa loob ng sementeryo sa Morong, Rizal, matapos umano siyang mabigo sa panliligaw.
Kinilala ang mga biktima bilang isang 12-anyos na lalaki at 13-anyos na babae. Iniulat ng kanilang mga magulang ang pagkawala ng dalawa noong Sabado matapos hindi makauwi, at natagpuan ang kanilang duguang katawan kinahapunan ng Linggo sa loob ng sementeryo sa Barangay San Juan.
Ayon sa pulisya, tinulungan pa ng suspek sa paghahanap ang mga biktima at sinubukang ilihis ang imbestigasyon sa pamamagitan ng pagturo sa ibang tao bilang salarin. Gayunpaman, may mga saksi na nakakita sa kanya na tumatakbo palayo sa pinangyarihan ng krimen na may dugo sa damit at kamay. Naaresto siya sa isang follow-up operation at umamin sa krimen.
Napag-alaman na kamag-anak ng suspek ang babaeng biktima. Humingi siya ng tawad at inamin na nagawa niya ang krimen dahil sa inggit, kalasingan, at galit matapos mabasted sa panliligaw.
Mahaharap ang suspek sa kasong double murder.











