--Ads--

Isang magnitude 6.9 na lindol ang tumama sa karagatan malapit sa Iwate Prefecture sa hilagang Japan nitong Huwebes, ngunit wala pang naitatalang nasawi o malaking pinsala.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Myles Briones Beltran, Bombo International News Correspondent mula Japan, sinabi niyang nagulat siya sa nangyaring pagyanig na ang sentro ay nasa karagatan malapit sa Iwate Prefecture, sa hilagang bahagi ng bansa na malapit sa Aomori.

Ayon kay Beltran, wala pa namang naiuulat na mga nasawi at nanatiling kontrolado ang sitwasyon sa mga baybaying lugar sa kabila ng bahagyang pagtaas ng alon sa dagat. Aniya, hindi rin gaanong naramdaman sa Tokyo ang pagyanig dahil malayo ang Iwate sa kabisera ng Japan, bagama’t may ilang residente pa ring nakaramdam ng pagyanig.

Ikinumpara rin niya ang pangyayari sa mas mapaminsalang lindol na tumama sa kaparehong araw sa Venezuela kung saan maraming gusali ang gumuho. Aniya, hindi umabot sa ganoong antas ang epekto ng lindol sa Japan.

--Ads--

Dagdag pa niya, nananatiling pinakamalakas sa kasaysayan ng Japan ang magnitude 9.0 na lindol noong 2011 na nagdulot ng malawakang tsunami sa Tohoku region. Gayunman, nakabangon na ang maraming komunidad na naapektuhan noon, at ilan sa mga lugar na tinamaan ng tsunami ay naging bahagi na ng mga dinarayong tourist destination sa kasalukuyan.

Samantala, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ng Japan ang sitwasyon at naglatag ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sakaling magkaroon ng mga aftershock sa mga susunod na oras at araw.