CAUAYAN CITY – Patay matapos magtamo ng maraming sugat sa katawan ng isang magsasaka na pinagtataga ng nakainuman Guam, San Guillermo, Isabela.
Ang biktima ay si Robert Ramos, 23 anyos, may asawa, magsasaka habang ang suspek ay si Edward Manlaong, 45 anyos, may asawa, magsasaka at kapwa residente sa naturang barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Insp. Arturo Cachero, hepe ng San Guillermo Police Station na nakatanggap sila ng tawag kaugnay sa nangyaring pananaga sa naturang barangay.
Sa pagtugon ng pulisya ay nadatnan nila ang bangkay ng biktima na nagtamo ng maraming taga at halos magkahiwa-hiwalay ang kanyang katawan.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, nag-iinuman sina Ramos at Manlaong kasama ang tatlong iba pa sa bahay ng suspek
Matapos maubos ang iniinom na alak ay umalis na umano ang tatlo at ang dalawang sangkot na lang ang naiwan.
Nainis umano si Manlaong sa mga pagmumura ng Ramos kaya’t kumuha ng panabas at pinagtataga ang biktima na nagbunga ng agaran nitong kamatayan.
Dinakip ang suspek at nagkatakdang sampahan ng kasong murder.




