--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang magsasaka matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Malalao, Tabuk City, Kalinga.

Ang biktima ay si Leo Pataclao, 41-anyos, may asawa, at residente ng Lepanto, Quezon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Tabuk City Police Station, may isang testigong magsasaka na residente ng Talaca, Agbannawag, Tabuk City ang nagsabi na bago ang insidente ay nakita niya ang isang lalaki na nakasuot ng itim na pantalon, itim na long sleeve at baseball cap.

Habang hawak nito ang mahabang baril na nakasabit sa kanyang balikat ay lumapit ito sa biktima.

--Ads--

Matapos ang ilang minuto ay pumunta ang biktima sa kanyang barong-barong kasunod ang pinaghihinalaan at doon ay narinig niya ang isang putok ng baril na nagmumula sa barong-barong ng biktima.

Tumakas ang pinaghihinalaan sa hindi malamang direksyon.

Ayon naman sa mga kaanak ng biktima nagkaroon sila ng alitan sa suspek  dahil sa lupa.

Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga kasapi ng Tabuk City Police Station laban sa pinaghihinalaan.