--Ads--

Mahigit dalawampung (20) kabahayan ang nasira matapos bumagsak ang kontrobersiyal na dike sa Barangay Candating, Arayat, Pampanga noong Biyernes ng hapon.

Walo (8) sa mga bahay ang tuluyang nawasak bunsod ng insidente.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na bumigay ang naturang dike na itinayo bilang pananggalang sa baha tuwing umaapaw ang Pampanga River.

Matatandaang noong Agosto 2025, unang bumagsak ang parehong bahagi ng dike kasunod ng sunod-sunod na bagyo.

--Ads--

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, naghahanda na ang ahensya na magsampa ng kaso laban sa mga kontratista—na kinabibilangan ng Eddmari Construction and Trading—gayundin sa ilang opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa halos ₱100 milyong flood control projects.

Iginiit naman ng engineer ng Eddmari Construction and Trading na ang kondisyon ng lupa, at hindi ang sheet piles, ang naging pangunahing dahilan ng pagbagsak ng dike.

Gayunman, sinabi ni Secretary Dizon na nakatuon ang DPWH sa final na technical assessment ng Central Office bilang magiging batayan ng mga susunod na hakbang ng ahensya.

Plano rin ng DPWH na humingi ng tulong sa Technical Working Group on Flood Control Management, kabilang ang mga hydrologist at iba pang eksperto upang makabuo ng mas maayos at pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha, alinsunod sa umiiral na flood control master plans ng ahensya.