Patuloy na isinasagawa ng pamahalaan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, at marami pang opisyal at kawani ng ahensya ang inaasahang masasampahan ng kaso.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, may mga empleyado at opisyal ng DPWH na sasampahan ng kaso, ngunit hinikayat niya ang publiko na hintayin ang Ombudsman dahil sila ang mag-aanunsyo at maghahain ng mga kaso.
Mahigit 40 indibidwal, kabilang ang 20 opisyal at kawani ng ahensya, ang kinasuhan ng graft and corruption kaugnay sa mga anomalya sa flood control projects.
Samantala, sinabi ni Dizon na ang kasalukuyang mga gawain sa Maharlika Highway, mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao, ay pansamantalang solusyon lamang upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko ngayong Semana Santa.
Kabilang dito ang reblocking, at iilan na lamang ang natitirang bahagi na inaasahang matatapos bago ang pista. Pagkatapos ng Semana Santa, sisimulan na ang mas malawak at komprehensibong rehabilitasyon.
Sasaklaw ang proyekto sa mga probinsya ng Quezon, Bicol, Camarines Sur, Albay, at Samar, na inaasahang matatapos pagsapit ng Hunyo 2027.











