--Ads--

Sinuri at minonitor ng mga awtoridad ang mahigit 50 gasoline station sa Santiago City bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa posibleng overpricing ng mga produktong petrolyo.

Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Santiago City, katuwang ang Philippine National Police (PNP), ang isinagawang inspeksyon upang matiyak na mahigpit na nasusunod ng mga gasolinahan ang mga itinakdang patakaran ng Department of Energy (DOE) kaugnay sa tamang pagpepresyo ng petroleum products.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. Col. Saturnino Soriano, Chief ng Community Affairs and Development Unit (CADU) ng Santiago City Police Office (SCPO), ipinaliwanag niya na bahagi ng kanilang operasyon ang pagpapatupad ng guidelines ng DOE hinggil sa monitoring ng presyo ng petroleum products sa mga establisyimento ng downstream oil industry.

Ayon pa sa opisyal, patuloy na magsasagawa ng mahigpit na inspeksyon at price monitoring ang kanilang team upang matiyak na walang gasoline station ang magpapatupad ng hindi awtorisadong pagtaas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.

--Ads--

Kasabay nito, pinayuhan din ng SCPO ang mga motorista at commuter na maging handa sa patuloy na paggalaw ng presyo ng gasolina at maghanap ng mga paraan upang makatipid habang nagpapatuloy ang monitoring ng pamahalaan sa mga establisyimento sa lungsod.