Mahigit 6,300 pulis ang ipakakalat sa paligid ng Senado, bilang seguridad kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) spokesperson Police Major Hazel Asilo, karamihan sa mga inaasahang pagtitipon ay nakatuon sa harap ng Senado.
Nabatid na mayroon ding isang grupo na nagpaplanong magsagawa ng pag-mamartsa patungo sa Senado mula sa kalapit na lugar, kaya’t magdaragdag pa ng mga tauhan ang pulisya.
Bagama’t wala pang naaprubahang permit para sa anumang rally hanggang nitong Linggo, sinabi ni Asilo na bukas pa rin ang PNP-NCRPO sa mga grupong nais magsagawa ng protesta basta’t susundin ang tamang proseso.
Bukod dito magpapatupad rin ng maximum tolerance ang pulisya kung sakaling susubukang lumapit ng mga raliyista sa harap ng Senado.
Uunahin umano ang dayalogo at negosasyon sa pamamagitan ng mga itinalagang negotiation teams, habang nakaantabay naman ang mga public order units kung kinakailangan.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang inaasahang bilang ng mga lalahok sa mga kilos-protesta, ngunit tiniyak nitong handa silang tugunan ang anumang sitwasyong may kaugnayan sa seguridad.
Magugunitang na-impeach si VP Sara ng House of Representatives noong Mayo dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen.
Noong Hunyo 1, naghain naman ang kampo ni Sara Duterte ng kanilang sagot sa Articles of Impeachment at hiniling sa impeachment court na ibasura ang kaso.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial sa ganap na alas-2 ng hapon ngayong araw.
Gaganapin muna ang mga pagdinig tuwing Lunes hanggang Miyerkules hanggang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.
Pagkatapos ng SONA, ililipat ang mga pagdinig tuwing Martes hanggang Huwebes ng alas-2 ng hapon.










