CAGAYAN PROVINCE – Mahigit isang daang mag-aaral ng Itawes National High School sa Alabug, Tuao, Cagayan ang umanoy sinapian ng masamang espiritu .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Jhun-Jhun Balisi, hepe ng Tuao Police Station na naglilinis sa kanilang paaralan ang mga mag-aaral nang makakita ng mga alay o sa iloko ay “atang” na kanilang nagalaw.
Dito na aniya nagsimula na masaniban ang 120 na mga mag-aaral na nakaranas ng seizure o nagkokombulsyon.
Ang ibang sinapian ay kaagad na naka-recover habang ang apatnaput pitung mag-aaral ay dinala sa pagamutan ngunit naka-recover din habang ang iba ay dinala sa simbahan sa Tuao, Cagayan
Ngayon lang nangyari na sobrang dami ang sinapiang mga mag-aaral kumpara noong mga nakalipas na taon na isa o dalawang mag-aaral lang
Nagsasagawa na ang pulisya ng dayalogo sa mga school officials at sa simbahan na patuloy na magsasagawa ng misa sa nasabing paaralan.
Ipagpapatuloy anya ang spiritual activities sa nasabing paaralan pangunahin na sa mga mag-aaral upang mapigilan na may masapian.
Ayon anya sa mga nasapian ay nakakita umano sila ng duwende na maaring nasaktan nila.
Ipinayo naman ng hepe ng pulisya na manatiling matatag at pag-ibayuhin ang pagdarasal sa Panginoon.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Father Vener Ceperez, Social Communications Director ng Diocese of Ilagan at kura-paroko ng St. Anthony of Padua Parish Church sa Reina Mercedes, Isabela na batay sa kanyang obserbasyon, ang nangyari sa mga batang mag-aaral sa Tuao, Cagayan ay kaso ng mass hysteria kung saan ang energy ng isang bata ay na-connect na sa ibang mga mag-aaral.
Ang mass hysteria anya ay maaring magtagal ng labing anim na araw at kailangang pagtuunan ng pansin upang hindi mauwi sa malalang sitwasyon.
Ang nagiging sanhi ng mass hysteria na ito ay ukol sa isyu sa kanilang pananaw, sitwasyon sa buhay ng mga estudyante at mga kasamahan sa bahay.
Mainam anya na kapag may naghi-hysterical ay i-isolate sa kanyang mga kamag-aral at maaring kausapin ng kanyang guro at alamin ang problema
Sinabi pa ni Father Ceperez na kung ito ay pagsapi ng masamang espiritu, ito ay nakababahala ngunit dapat na masuri ang kondisyon ng mga bata.
Kapag ang isang tao ay sinasapian ng masamang espiritu ay mapapansin na may kakatwang kayang gawin na hindi kayang gawin ng normal na tao halimbawa ang pag-akyat sa kisame na parang gagamba o pagsasalita ng latin at ang boses ay nag-iiba at pinapahirapan ang katawan ng taong sinasapian.
Kapag mahina ang pananampalataya at nawalan na ng gana sa buhay ang isang tao ay madaling mapasok ng masamang espiritu.
Ayon kay Fr. Ceperez, mainam na paunlarin ang spiritual aspeto ng isang tao at palakasin ang emotional at psychological aspect ng bawat isa upang hindi mapasok ng masamang espiritu.