Aabot sa 6,703 metric tons ang volume of losses sa pananim na palay sa Region 2 dulot ng pananalasa ng Bagyong Uwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rose Mary Aquino, Regional Director ng Department of Agriculture (DA) Region 2, sinabi niyang ang nasabing volume of loss ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱106.42 milyon.
Aniya, minimal ang pinsala sa livestock, habang tinatayang ₱1.5 milyon naman ang halaga ng pinsala sa inprastruktura.
Bagama’t ang southern portion ng Region 2 ang pinakamatinding tinamaan ng bagyo, naapektuhan din ang mga pananim, lalo na ang high value crops, sa northern portion, partikular sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan, dahil sa mga pagbaha.
Mas mababa naman, ayon kay Aquino, ang halaga ng pinsala ngayon kumpara sa mga naunang bagyong tumama sa rehiyon.
Wala ring gaanong naapektuhan sa pananim na mais dahil batay sa datos ng ahensiya, 10% na lamang ng kabuuang taniman ang hindi pa naaani bago ang pananalasa ng bagyo, maliban sa mga magsasakang nagtanim nang mas maaga.
Paliwanag ni Aquino, maaari pang magbago ang nasabing datos sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang validation at verification ng bawat DRRMO at LGU sa kani-kanilang lokalidad.











