CAUAYAN CITY – Namatay ang isang guro habang sugatan ang kaniyang ama matapos mabunggo ng isang truck sa Barangay Alibadabad, San Mariano, Isabela.
Ang namatay ay si Jeffrey Gelacio, tinatayang 25 anyos, isang guro habang sugatan ang kanyang amang si Romeo Gelacio, 45 anyos, kapwa residente ng Brgy. Maranao, San Mariano, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PO3 Jonimar Baingan, ang imbestigador ng San Mariano Police Station na pauwi na ang mga biktima sakay ng motorsiklo ng makasalubong ang truck na minamaneho ni Ronald Clavero, 31 anyos at residente ng Brgy. Alibadabad, San Mariano, Isabela na patungo sana ng Brgy. Filomena upang mag-deliver.
Dahil dito,kaagad na namatay si Jeffrey habang malubhang sugat sa katawan ang tinamo ng kanyang ama na idinala sa pribadong pagamutan ng Lunsod ng Cauayan.
Inihayag pa ni PO3 Baingan na batay sa pagpapahayag ng tsuper ng truck, dahil sa makapal na usok sa daan bunsod ng panununog ng tubuhan ay parehong hindi napansin ng dalawang tsuper ang isa’t isa.
Sa ngayon, ang tsuper ng truck ay nasa pangangalaga na ng PNP San Mariano.




