Natapos na ang makasaysayang kampanya ni Alex Eala sa Wimbledon matapos siyang yumuko kay Italian tennis star Jasmine Paolini sa fourth round ng torneo sa London.
Sa loob ng tatlong set na bakbakan, nanaig si Paolini laban sa 21-anyos na Filipina, 6-4, 4-6, 6-3, upang makausad sa quarterfinals kung saan makakaharap niya si Marta Kostyuk ng Ukraine.
Nagpakita ng matinding laban si Eala matapos maitabla ang laban sa ikalawang set. Gayunman, naging susi ang pagkakamali ng Filipina sa ikatlong set, kabilang ang isang double fault at ilang unforced errors, upang tuluyang maagaw ni Paolini ang panalo.
Bumawi rin si Paolini laban kay Eala matapos siyang talunin ng Pinay netter sa kanilang huling paghaharap sa Dubai Tennis Championships noong Pebrero.
Sa kabila ng pagkatalo, nag-iwan si Eala ng panibagong marka sa kasaysayan ng Philippine tennis matapos maging kauna-unahang Pilipinong umabot sa fourth round ng Wimbledon sa Open Era.
Lalong tumingkad ang kanyang kampanya matapos niyang pabagsakin sa third round ang defending champion na si Iga Swiatek sa straight sets, isang panalo na itinuturing na isa sa pinakamalaking tagumpay sa kanyang karera.









