Inihayag ng Malacañang nitong Biyernes na handa ang pamahalaan na imbestigahan ang mga umano’y drug-related killings sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung may maipapakitang sapat na ebidensya kaugnay nito.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Atty. Nicholas Kaufman, legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), na kumuwestiyon kung may nag-iisip na bang imbestigahan si Marcos kaugnay ng umano’y patuloy na vigilante killings kahit tapos na ang termino ni Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nananatiling matatag ang Pangulo sa pagsusulong ng isang “bloodless” campaign kontra droga. Binigyang-diin niya na titiyakin ni Marcos ang pananagutan sa anumang pang-aabuso na magaganap sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ani Castro sa isang press briefing, kung may mga ebidensyang maihaharap, iyon ang tamang panahon upang magsagawa ng imbestigasyon. Hindi umano nais ng Pangulo na mabahiran ng madugong extrajudicial killings ang kaniyang administrasyon sapagkat hindi ito ang legasiyang nais niyang iwan.
Nang tanungin kung magsasagawa ba ng motu proprio o kusang imbestigasyon ang Palasyo, sinabi ni Castro na dapat munang tukuyin kung saan nanggagaling ang impormasyon at kung sino ang nagbintang. Hinikayat niya ang sinumang may detalye o ebidensya na agad itong isumite sa Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), o National Bureau of Investigation (NBI) upang ito ay maimbestigahan.








