Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyon ng dating kongresista Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umano’y nag-utos ng P100 bilyong “insertions” sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na ang mga pahayag ni Co ay “walang basehan” at pawang “hearsay” lamang. Giit niya, si Pangulong Marcos pa ang unang nagbunyag ng mga iregularidad sa flood-control projects at nag-utos ng imbestigasyon at reporma upang maiwasan ang pang-aabuso.
“Rep. Zaldy Co should come back to the country and sign everything he said under oath with the proper judicial authorities,” ani Gomez.
Nilinaw naman ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na lahat ng panukalang proyekto ng Pangulo ay nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP). Aniya, kapag naisumite na ang NEP sa Kongreso, wala nang partisipasyon ang Ehekutibo sa bicameral process.
Inihayag naman ni PCO Undersecretary Claire Castro na imbento lamang ang mga pahayag ni Co upang umiwas sa imbestigasyon. Dagdag pa niya, lumutang ang pangalan ni Co sa flood-control probe dahil sa mga dokumento at testimonya, hindi dahil sa aksyon ng Pangulo.
Iginiit niya na walang “panic mode” sa Palasyo sa kabila ng mga alegasyon at protesta. Aniya, normal lamang na bantayan ng pamahalaan ang mga destabilization threats.
Samantala, maituturing naman na “game over” para sa Administrasyon ang mga pahayag ni Co ayon kay dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo lalo kung mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban kay Pangulong Marcos dahil sa “betrayal of public trust” na isang impeachable offense.
Dagdag pa ni Panelo, kung mapatunayang may kinalaman ang Pangulo at mga kaalyado sa Kongreso at DPWH sa umano’y anomalya, dapat silang managot at makulong matapos ang due process.
Sa ngayon, iginiit ng Palasyo na pinakamainam na hakbang ay ang pag-uwi ni Co upang humarap sa mga kaso at magbigay ng testimonya sa tamang hukuman.











