Nagpaalala ang Malacañang sa publiko na iwasan ang panic buying sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East at tiniyak na sapat ang suplay ng langis at mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Martes, wala pang naitatalang abnormal na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at sa iba pang rehiyon.
Bagama’t inaasahang tataas ang presyo ng gasolina dahil sa mga pangyayaring nagaganap sa pandaigdigang merkado, tiniyak naman ng mga oil company na ipatutupad ang pagtaas ng presyo nang paunti-unti.
Dagdag pa ni Castro na hindi kinakailangang mag-panic buying ang publiko dahil sapat pa ang suplay ng fuel at iba pang basic commodities.
Nagbabala rin siya laban sa hoarding at profiteering, at iginiit na may kaukulang legal na aksyon na ipatutupad laban sa sinumang mapapatunayang lalabag sa batas.
Ayon pa sa kanya, sinumang mahuling nagho-hoard o nagsasamantala sa presyo ng mga produkto ay maaaring maharap sa kaso at pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas.











