--Ads--

Walang mawawalan at walang ipamimigay na interes, ito ang tiniyak ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kaugnay ng posibleng joint oil at gas exploration sa China. Binanggit niya na magiging maingat ang Pilipinas sa bawat hakbang upang protektahan ang pambansang interes.

Ayon kay Castro, pangangalagaan ng bansa ang karapatan nito sa West Philippine Sea at magiging tapat sa anumang pag-uusap para sa kapakanan ng bayan at ng bawat Pilipino.

Nauna rito, nagkaroon ng magkakasunod na pulong ang Pilipinas at China sa 24th Foreign Ministry Consultations at sa 11th Meeting of the Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea noong Marso 27 at 28 sa Quanzhou City, Fujian Province, China.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, nagkaroon ng paunang talakayan ang dalawang panig tungkol sa potensyal na kooperasyon sa oil at gas. Binanggit ni Castro na kung magkakaroon ng joint exploration, bukas ang Pilipinas sa negosasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos Jr., at walang isinasarang opsyon.

--Ads--

Matatandaang, noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, isinulong din ang negosasyon sa joint oil at gas exploration sa China. Subalit matapos ang kanyang termino, ipinagpaliban ang usapan ng dalawang bansa.