--Ads--

Walang dapat ipangamba ang publiko kaugnay sa banta ng Iran na targetin ang mga base ng United States.

Lumabas ang pahayag sa gitna ng pangamba na posibleng madamay ang Pilipinas sa lumalalang tensyon sa Middle East dahil sa alyansa nito sa Amerika.

Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, nilinaw mismo ng National Security Council (NSC) na walang base militar ng U.S. sa bansa.

Ipinaliwanag niya na ang mga kampong saklaw ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan ng Pilipinas, at walang ibang bansa ang may kontrol sa mga pasilidad na ito.

--Ads--

Nanawagan din ang pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado at maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat.

Patuloy ang koordinasyon ng gobyerno sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of National Defense (DND), at iba pang kaugnay na ahensya upang masubaybayan ang sitwasyon at matiyak ang seguridad ng bansa.

Sa kasalukuyan, tiniyak ng pamahalaan na nananatiling ligtas ang bansa at nasa ilalim ng ganap na kontrol ng Pilipinas ang pamamahala sa mga kampo militar sa loob ng teritoryo nito.