CAUAYAN CITY – Ramdam na ang epekto ng bagyong Kiko sa lalawigan dahil sa mga pag-ulan at pabugso-bugsong hangin.
Matatandaang kahapon ay tinalian na ng mga mamamayan ang bubungan ng mga bahay na gawa sa light materials sa nasabing lalawigan dahil sa Bagyong Kiko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Roldan Esdicul ng Batanes niya na mayroon pa ringdaloy ng kuryente sa lugar.
Kagabi ay pitong pamilya na binubuo ng dalawamput anim na indibidwal ang inilikas sa isla ng Sabtang dahil malapit ang mga ito sa tabing dagat.
Bago pa man dumating ang Bagyong Kiko sa kanilang lalawigan ay nagsagawa na sila ng information dissemination sa mga residente kaugnay ng naturang bagyo.
Umiikot ang mga opisyal ng barangay at munisipyo gamit ang kanilang bandilyo upang paalalahanan ang mga mamamayan kaugnay ng Bagyong Kiko.
Bukod sa pagtatali ng bubungan ng mga bahay na gawa sa mga light materials ay nilagyan na rin ng harang ang kanilang mga bintana upang mabawasan ang impact ng hangin.
Wala pang preemptive evacuation sa Batanes ngunit nakahanda silang maglikas kung kinakailangan.
Sinabi pa ni PDRRMO Esdicul na bawat kabahayan ay mayroon nang naka-stock ng mga pagkain at ang kanilang MSWDO ay mayroon nang nakahandang food packs sakaling kakailanganin ng mga residente.
Pangunahin anya nilang nararanasang suliranin sa panahon ng bagyo ay ang pagkatapos ng bagyo dahil hindi agad naibabalik ang tustos ng kanilang kuryente at linya ng komunikasyon.











