--Ads--

CAUAYAN CITY- Nangangamba ang mga mamamayan lalo na ang mga Dumagat sa mas matinding epekto ng pagmimina sa Dimakawal matapos mamatay ang mga isda sa ilog sa Dinapigue, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Pastor Marcos Diunas na nang puntahan niya ang Luwalo Community ay nakita niya ang malawakang pagkamatay ng mga isda sa Dibin River at Dinapigue River.

Pinuntahan ng mga fisherfolk at kinatawan ng Agriculture Office ang mga naturang ilog at nakita ang maraming namatay na isda.

Kapansin pansin na masansang na ang amoy sa lugar dahil sa mga namatay na isda.

--Ads--

Sinabi ng mga nakatira malapit sa lugar na nangyari ito nang magsimula ang operasyon ng pagmimina ng mga mineral sa Dimakawal.

Umulan ng malakas noong Sabado ay nakitang naglutangan ang mga maliliit at malalaking isda na umabot sa dalawampung kilometro na haba ng ilog.

Ayon kay Pastor Diunas, dalawa ang nagsalubong na ilog ngunit ang mula sa Dimakawal nagmula ang maraming namatay na isda.

Naniniwala ang mga residente sa lugar na hindi ito bunga ng mainit na panahon dahil naranasan naman ang mga pag-ulan kundi hinihinala nila na mula sa kemikal na ginagamit sa pagmimina ng ginto.