Nakatakdang magsagawa ng nationwide transport strike sa Marso 19 ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) bilang protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto “Mody” Floranda, president ng PISTON, sinabi nito na magkakaroon ng mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang ilang lugar sa rehiyon bilang pagtutol sa oil price hike at panawagan na ibaba ang presyo ng petrolyo.
Ayon kay Floranda, napipilitan silang magsagawa ng welga dahil halos wala na umanong kinikita ang mga driver at operator, dahil napupunta na lamang sa gastos sa krudo ang kanilang kita.
Dagdag pa niya, inaasahan pa ang panibagong pagtaas ng presyo ng petrolyo kung saan posibleng umabot sa P15 hanggang P22 kada litro ang dagdag sa diesel at P15 hanggang P19 kada litro naman sa gasolina.
Giit pa ng lider ng transport group na dapat umanong suspindihin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Oil Deregulation Law at alisin ang excise tax at value-added tax sa produktong petrolyo upang maibsan ang bigat ng gastusin ng mga driver, operator at maging ng mga mamamayan.
Sinabi rin ni Floranda na kung patuloy na tataas ang presyo ng petrolyo at posibleng umabot sa P100 hanggang P120 kada litro, maaaring tuluyang tumigil sa pamamasada ang maraming public transport drivers dahil hindi na kakayanin ang gastusin sa krudo.
Samantala, nanawagan ang PISTON sa mga commuter at mamamayan na suportahan ang kanilang gagawing transport strike dahil ayon sa grupo, layunin nitong ipaglaban hindi lamang ang kapakanan ng mga driver at operator kundi maging ang interes ng publiko laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.











