Nasunog ang libo-libong ektarya ng bushland sa New South Wales nitong Sabado, dahilan upang maglabas ng pinakamataas na antas ng babala at utos ng agarang paglikas para sa libo-libong residente sa pinaka-mataong estado ng bansa.
Ang alarma ay inilabas para sa Phegans Bay at Woy Woy area sa Central Coast region, na may populasyong higit 350,000 katao, humigit-kumulang 45 km hilaga ng Sydney.
Ayon sa ulat ng Australian Broadcasting Corp, umabot sa 16 na bahay ang nawasak dahil sa bushfires.
Nagpalala sa panganib ang matinding init na umabot sa 42°C, ayon sa Bureau of Meteorology.
Nanawagan si Prime Minister Anthony Albanese na mag-ingat para sa isa’t isa at sundin ang payo ng mga awtoridad.
Mahigit 50 bushfires ang nag-aalab sa buong estado, kabilang ang isa sa Upper Hunter area na nasa pinakamataas ding emergency rating at nakapinsala ng halos 10,000 ektarya.
Nagbabala ang mga awtoridad na magiging mataas ang panganib ng bushfires ngayong tag-init sa Australia matapos ang ilang tahimik na taon. Matatandaang noong “Black Summer” ng 2019–2020, nasunog ang lawak na kasinglaki ng Turkey at 33 katao ang nasawi.










