--Ads--

Patuloy na nilalabanan ng mga awtoridad sa Greece ang higit 50 wildfire na kasalukuyang sumisiklab sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, kabilang ang Attica (Athens), Evia, Peloponnese, Crete, at Kythira.

Dulot ito ng matinding heatwave kung saan umabot na sa 45.8°C ang temperatura sa ilang bahagi ng bansa. Maraming residente ang inilikas, at lima ang naospital dahil sa sunog at respiratory problems.

Ayon sa mga otoridad, bagamat naapula na ang ilan, nananatili pa rin ang panganib ng muling pagliyab ng mga apoy lalo na’t pinagsasama ang matinding init, tuyong kapaligiran, at malalakas na hangin.

Humingi na rin ng tulong ang Greece mula sa European Union, at dumating na ang mga eroplano mula sa Italy at Czech Republic upang tumulong sa aerial firefighting operations.

--Ads--

Samantala, sa kalapit na Turkey, isinailalim sa matinding pagbabantay ang lungsod ng Bursa at ilang probinsya gaya ng Izmir, Antalya, at Eskisehir matapos masunog ang malalawak na kagubatan.

Mahigit 3,500 residente ang inilikas mula sa 19 na nayon, at 14 na ang naiulat na nasawi, karamihan ay mga rescuer at forestry workers.

Sa Silopi, naitala ang pinakamataas na temperatura sa kasaysayan ng bansa na 50.5°C. Sa kabuuan, higit 84 na sunog ang sumiklab sa loob ng isang araw, dahilan upang mag-deploy ng 5,000 firefighters at 100 air assets.

Inaalam na rin ng mga Turkish authorities kung may kinalaman ang ilang indibidwal sa posibleng pagsunog.

Ayon sa mga eksperto sa klima, ang Mediterranean region ay isa na sa mga “climate hotspots” ng mundo. Ang mga sunog na ito ay indikasyon ng lalong lumalalang epekto ng climate change.

Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na sundin ang mga safety advisory, iwasan ang mga aktibidad na maaaring pagmulan ng sunog, at manatiling alerto lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng red alert sa wildfire risk.

Patuloy rin ang paalala sa mga turista sa Greece at Turkey na maging mapagmatyag at sundin ang abiso ng lokal na pamahalaan, lalo na sa mga isla at kabundukang lugar na apektado ng matinding init at wildfire.