CAUAYAN CITY – Nakakatiyak ang mga mamamahayag pangunahin na ang Bombo Radyo Cauayan na wala pa ring sagabal o tuloy tuloy at maaari pa ring makakuha ng impormasyon sa mga kaganapan sa Isabela mula sa record ng Isabela Police Provincial Office o IPPO.
Ayon kay P/Supt Ronald Laggui, Police Community Relations Officer at Public Information Officer ng IPPO, wala pa ring pagbabago ang kanilang mga patakaran kung saan ang mga taga media ay maaaring maghalungkat o magbuklat ng mga police blotter at spot report na maituturing na public documents na kinakailangang malaman o makita ng mga interesado.
Sinabi pa ni Supt. Laggui na wala silang natanggap na anumang mga tagubilin mula sa kanilang punong himpilan o panrehiyong tanggapan hinggil sa sinasabing pagbabawal na sa mga taga media na makakuha ng spot report.
Inihayag pa ni Supt. Laggui na tuloy tuloy pa rin ang mahusay na pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga mamamahayag dahil kinakailangan pa rin ng pulisya ang taga media upang maiulat at maikalat ang mga impormasyon at mga kaganapan.
Gayunman ay mayroong limitasyon katulad nang dati nang pinapairal na pagbabawal sa pagkuha ng spot report na pirmado at gagamitin sa mga asunto na nangangailangan ng written request..
Ilan lamang sa hindi maaaring maiulat ay ang mga krimen na kinakailangan pa ang follow-up operation upang hindi madiskaril ang ginagawang operasyon ng mga otoridad




