Muling naramdaman ng mga mamimili at tindera ang panibagong ₱20 na pagtaas sa presyo ng gulay ngayong linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Neneng Evangelista, tindera sa palengke, kapansin-pansin ang biglaang pag-angat ng presyo ng mga pangunahing gulay na araw-araw na binibili ng mga residente.
Kung noong nakaraang linggo ay nasa ₱180 lamang ang pang-tortang talong, ngayon ay umaabot na ito sa ₱200–₱220 kada kilo. Ang maliliit na talong naman ay tumaas mula ₱140 tungong ₱160, habang ang sitaw ay nasa ₱140, mula sa dati nitong ₱120 kada kilo.
Tumaas din ang presyo ng ampalayang mahahaba na ngayon ay ₱180–₱200, kumpara sa nakaraang ₱160. Maging ang ampalayang pampakbet ay nasa ₱180–₱200, habang ang sili ay umakyat mula ₱320 tungong ₱350 kada kilo.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng mga tindera, ayon kay Ginang Neneng, ay ang kakulangan sa suplay dahil may mga bumabiyaheng mamimili mula sa ibang lugar, kabilang ang mga taga-Lungsod ng Tuguegarao, na kumukuha umano ng malaking bahagi ng suplay mula sa Isabela.
Sa kabila nito, nananatiling stable ang presyo ng ilang gulay tulad ng upo na nasa ₱50–₱60, habang ang iba ay bumaba pa gaya ng patola na ₱100–₱120, at okra na nasa ₱100–₱120 na lamang.
Hinaing naman ng ilang tindera na halos hindi na nila mabawi ang puhunan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gulay, na nagdudulot ng mas mabagal na galaw ng bentahan sa palengke.











