CAUAYAN CITY – Natagpuan sa ilog sa Anquiray, Amulung, Cagayan ang palutang-lutang na katawan ng isang mangingisda na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa Bintacan, City of Ilagan noong araw ng Linggo, August 27, 2023 na kasagsagan ng bagyong Goring.
Matapos kumpirmahin ng Task Force Lingkod Cagayan – Amulung Station na tumugma ang suot ng natagpuang bangkay sa ilog sa Amulung sa nawawalang mangingisda sa City of Ilagan ay nakipag-ugnayan ang Bombo Radyo Cauayan sa pamilya ng biktimang si Leomar Fenix, residente ng Sta. Isabel Sur, City of Ilagan.
Agad namang nagtungo ang pamilya ni Fenix sa Amulung, Cagayan para iuwi ang bangkay ng biktima na dinala sa isang punerarya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Elizabeh Fenix, asawa ni Leomar, sinabi niya na hindi agad na ipinabatid sa kanya ang pagkawala ng kanyang asawa noong linggo sa ilog sa Barangay Bintacan.
Hindi niya pinayagan ang kanyang asawa na sumama nang yayain ng kanyang kapatid na magtungo sa ilog para kumuha ng isda.
Mula aniya sa barangay Sta Isabel Sur ay nagtungo sila sa barangay Bintacan na bulubundukin kaya hindi sila nakabalik noong araw ng Sabado.
Nang pauwi na sila noong umaga ng Linggo ay malakas ang agos ng tubig sa ilog kaya gumawa sila ng balsa sa pagtawid nila sa ilog ngunit nangyari ang pagkawala ng kanyang mister.
Ayon kay Ginang fenix, batay sa mga nakakita ay nakatawid na ang kanyang mister ngunit bumalik siya sa ilog nang makita niya na tila nalulunod ang kanyang kapatid at pamangkin ngunit hindi na siya lumitaw.