Patuloy na kinahaharap ng mga opisyal ng Barangay Marabulig 1, Cauayan City ang problema sa ilang residente na hindi pa rin marunong magtapon ng basura sa tamang paraan, sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng pamunuan ng barangay.
Ayon kay Barangay Captain Jaime Partido, matagal na nilang pinaaalalahanan ang mga residente na ayusin ang pagtatapon ng basura, partikular na sa Material Recovery Facility (MRF) ng barangay. Gayunman, tila bingi umano ang ilan dahil patuloy pa rin ang maling paraan ng pagtatapon.
Dahil sa kapabayaang ito, madalas daw nakakalat ang mga basura kapag ginagalaw ng mga aso. Bukod dito, nagiging sanhi rin ito ng pagdami ng langaw na isa nang matagal nang problema ng barangay.
Sa ngayon, madalas ay mga opisyal na ng barangay ang siyang naglilinis sa MRF tuwing umaga upang mapanatiling maayos at malinis ang paligid.
Samantala, sa usapin naman ng peace and order, nananatiling mapayapa ang Barangay Marabulig 1. Bagama’t may mga pagkakataong nasasangkot sa gulo ang ilang kabataan, kadalasan ay dahil lamang sa mainitan ng ulo sa laro ng basketball.
Upang maiwasan ang mga ganitong insidente, masinsinang kinakausap ng mga opisyal ng barangay ang mga kabataang sangkot sa gulo at sa kabutihang palad, hindi na raw ito nauulit.











