Naayon sa batas ang ginawang operasyon ng Philippine NAtional Police sa pagsisilbi ng Warrant of Arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy ayon sa isang abogado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Former IBP president Domingo Egon Cayosa sinabi niya na ligal ang Warrant of Arrest na bitbit ng Philippine National Police nang magsagawa ng operasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Aniya sa kaniyang opinyon ay sapat lamang at walang abuse of authority sa pagtatalaga ng nasa dalawang libong PNP Personnel para magsilbi ng Warrant or Arrest sa iisang subject lalo at maluwag ang compound ng Kingdom of Jesus Christ o KOJC kung saan hinihinalang nagtatago si Quiboloy maliban pa sa daan-daang taga suporta nito sa lugar.
Binigyang linaw din niya na sa kaso ni Quiboloy na may iba’t ibang outstanding warrant sa magkakaibang paglabag na issued ng mga lehitimog ahensiya ng pamahalaan ay hindi na kailangan na magsecure pa ang PNP ng search warrant.
Hanggat gumamit ng reasonable force ang PNP sa pag execute ng warrant of arrest ay walang anumang paglabag dito kahit pa nagkaroon ng pwersahang pagpasok sa mga silid o kwarto na sakop parin naman ng KOJC.
Kung pag uusapan ang excessive force ito ay ang paggamit ng pampasabog o anumang mga armas ng PNP sa pagpapatupad ng warrant of arrest na hindi naman nakita sa operasyon laban kay Quiboloy kahapon.
Sakali man aniya na nagkaroon ng casualty sa kasagsagan ng operasyon dahil sa natural death ay walang pananagutan ang mga operatiba dito gayun din na resonable ang hakbang ng PNP sa paggamit ng teargas dahil sa ginagawang pagpigil ng mga tagasuporta ni Quiboloy sa pagsisilbi ng warrant of arrest bilang proteksyon na rin sa kanilang sarili sa panahon ng kapahamakan.
Kung hinihinala namang nakalabas na rin ng bansa si Quiboloy ay maaaring kanselahin na ng Philippine Government ang pasaporte ng Pastor bago humingi ng tulong sa International Police INTERPOL.