CAUAYAN CITY– Naantala lamang ang paglalabas ng renewal of license sa baril na nasamsam kay Sangguniang Bayan Member Eduardo Talaue Jr.
Nasamsam sa bahay ng SB member ang isang 12 Gauge M1 Super 90 Shotgun, isang unit ng caliber 45 Colt Pistol; labinlimang bala ng 12 gauge shotgun, tatlong bala ng caliber 45, isang ammunition holder at isa ring case para sa 12 gauge shotgun at isang magazine ng caliber 45.
Sa naging panayam ng Bombo radyo Cauayan, inihayag ni Liga ng mga Barangay President Eduardo Talaue Sr. ng Santo Tomas, Isabela na naantala lang ang pagpapalabas ng renewal of license sa mga baril na nasamsam sa kanyang anak na si Sangguniang Bayan Member Eduardo Talaue Jr, residente ng Barangay Centro Poblacion, Sto. Tomas, Isabela…
Inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ni LMB Pres. Eduardo Talaue Sr. na ang mga baril na nasamsam sa kanyang anak na SB Member ay pinarenew ang lisensiya ngunit naantala ang paglabas.
Hindi aniya naideposit sa PNP ang kanyang baril matapos magpaso ang lisensiya.
Sinabi pa ni LMB President Talaue na wala siyang alam sa mga baril na nasamsam sa tatlong punong barangay ngunit naniniwala siya na ginagamit bilang proteksiyon sa kanilang sarili ang mga nasamsam na baril sa mga opisyal ng barangay.
Nakausap na rin niya ang kanyang anak at sinabing nakapagpiyansa siya para sa pansamantalang kalayaan.
Magugunitang nagsagawa ang CIDG Regional Field Unit 2 ng sabay-sabay na pagsisilbi ng search warrant sa Santo Tomas, Isabela dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act of 2002.
Kabilang sa mga sinilbihan ng Search Warrant si Sangguniang Bayan Member Eduardo Talaue Jr sa Barangay Centro Poblacion, Sto. Tomas, Isabela.
Ang ikalawang inisyuhan ng search warrant na si Ricky Boy Bautista na nilinaw na ang kanyang totoong pangalan ay Romarico Espejo Bautista, Jr kaya hindi na itinuloy ang pagsisilbi ng search warrant ngunit isinuko niya ang isang unit ng Taurus cal 45 na may magazine at siyam na bala.
Ang ikatlong sinilbihan ng search warrant na si Barangay Kapitan Francis Mamauag ng San Roque, Santo Tomas, Isabela ay nasamsaman ng isang Caliber 45 pistol na may pitong bala, isang magazine at isang holster para sa Cal 45 pistol
Ang ikaapat na sinilbihan ng Search Warrant na si Barangay Kapitan Jimmy Paeste Jr. ng Colungaun, Sto. Tomas, Isabela ay nasamsaman ng isang M16 armalite, bush master, isang magazine ng M16 armalite rifle; tatlumpong bala ng M16 Armalite Rifle; isang Caliber 45 pistol na may tatlong stainless magazine.
Ang ikalimang sinilbihan ng search warrant ay si Jayson Paeste, kawani ng LGU at residente ng Colunguan, Sto. Tomas, Isabela.
Nasamsam sa kanyang pag-iingat ang isang Hydra Matic M16A1 Rifle na nabura ang Serial number; apat na long magazine para sa M16A1 Rifle; limang short magazine para sa M16A1 Rifle; 182 na bala ng M16A1 Rifle; isang steel magazine para sa Cal. 45 na may anim na bala, apatnaput siyam na bala ng Caliber 9mm; isang green bandolier at isang belt bag
Samantala, habang isinisilbi ng mga operatiba ang search warrant kay Jimmy Paeste Jr. ay dumating si Joey Asco na dating security guard nito.
Nakita ng mga pulis ang handgrip ng kanyang pistol na nasa loob ng kanyang sling bag na bahagyang nakabukas. Siya ay inaresto dahil wala siyang otoridad na magdala ng baril.
Nasamsam sa kanyang pag-iingat ang isang Cal. 45 pistol na may dalawang magazine, dalawamput pitong bala at isang camouflage sling bag.
Ang mga sinilbihan ng search warrant ay inaresto at dinala sa CIDG regional Field office 2 at sinampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act of 2002.