--Ads--

Sinabi ng Malacañang na kailangang tugunan ng administrasyong Marcos ang mga isyung iniwan umano ng nakaraang administrasyon, kabilang ang mga alegasyon ng korapsyon.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi umano ipinipikit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang mga mata sa mga isyu ng katiwalian at sa halip ay tinutugunan ang mga ito.

Pahayag ito ni Castro bilang tugon sa akusasyon ni Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na ipinapasa umano ng administrasyong Marcos sa mga Duterte ang sisi sa mga problema nito.

Binigyang-diin ni Castro na hindi maaaring balewalain ang mga kontrobersiya mula sa nakaraang administrasyon, kabilang ang mga isyu sa Philippine offshore gaming operators o POGOs at kontrobersiya sa pagbili ng COVID-19 medical supplies.

--Ads--

Binanggit din niya ang mga alegasyon hinggil sa tinatawag na “ghost projects” sa Department of Public Works and Highways o DPWH na nauna nang na-flag.

Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga sinabi ng Malacañang.