Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Miyerkules na kanselado na ang pasaporte ng nagbitiw na Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Ayon pa sa Pangulo, inatasan na niya ang Department of Foreign Affairs o DFA at Philippine National Police o PNP na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa upang matiyak na hindi makapagtatago ang dating kongresista.
Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Marcos na inilabas na ang mga warrant of arrest laban kay Co at 17 iba pa kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Noong Nobyembre 26, sinilbihan ng Taguig City Police ang warrant sa condominium unit ni Co sa Bonifacio Global City ngunit hindi siya naabutan doon.
Naiugnay si Co sa kontrobersyal na flood control projects sa Bulacan matapos tumestigo ang dating district at assistant engineers na mayroon umano siyang kinalaman sa budget insertions na umabot sa P35 bilyon mula 2022 hanggang 2025.
Noong Nobyembre 26, sinabi rin ng Pangulo na nagtangka umanong i-blackmail siya ng abogado ni Co para mapigilan ang pagkansela ng pasaporte ng dating kongresista.
Ang umano’y alok ay kapalit ng pagtigil sa paglalabas ng mga video hinggil sa kontrobersya sa flood-control projects—bagay na tinanggihan ng Pangulong Marcos.
Itinanggi naman ni Atty. Ruy Rondain, legal counsel ni Co ang alegasyon at sinabing hindi siya nakipag-usap sa sinumang opisyal ng pamahalaan para sa anumang negosasyon.
Samantala, upang mapabilis ang paghahanap kay Co hinikayat ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga Pilipino sa ibang bansa na kuhanan ng larawan si Co kung sakaling makita ito at agad i-report sa mga awtoridad o i-post online.
Pinaniniwalaang huling nakita si Co sa Portugal at pinaghihinalaang may hawak itong Portuguese passport na nakuha umano ilang taon na ang nakalilipas.











