Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Marso 20, 2026 bilang regular holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Fitr, ang pagdiriwang ng pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.
Kinumpirma ang deklarasyon ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nitong Huwebes sa isang pahayag mula sa Malacañang. Layunin ng deklarasyon na kilalanin ang kahalagahan ng Eid’l Fitr sa komunidad ng mga Muslim sa bansa.
Ang Eid’l Fitr ay ipinagdiriwang sa pagtatapos ng Ramadan, ang banal na buwan sa Islam kung saan nagsasagawa ang mga Muslim ng pagdarasal, pag-aayuno, at espirituwal na pagmumuni-muni. Nagsimula ang Ramadan ngayong taon noong Pebrero 19.
Ayon sa Malacañang, ang pagdedeklara ng holiday ay pagkilala sa kahalagahan ng Eid’l Fitr bilang simbolo ng pananampalataya, pagninilay, at pagkakaisa ng komunidad ng mga Muslim. Nagpaabot din ng pagbati ang pamahalaan sa mga Muslim sa Pilipinas at sa buong mundo sa pagdiriwang ng naturang okasyon.











