Iminungkahi ng mga awtoridad ang mas mahigpit na pagpapatupad ng checkpoint bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga vehicular accident sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Retired Colonel Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division, sinabi niya na batay sa kanilang tala ay kadalasan umanong mga lasing na drayber ang sangkot sa mga naitatalang aksidente.
Kung ikukumpara noong nakaraang taon ay hindi aniya maikakaila na mas mataas ang bilang ng aksidente ngayon, bagay na dapat bigyan ng agarang aksyon.
Aniya, isa sa mga nakikita niyang hakbang upang mabawasan ang mga ganitong klase ng insidente ay ang mas mahigpit at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Hindi lamang umano dapat tuwing umaga ang paghihigpit sa pagbabantay kundi maging sa gabi upang matiyak na makasunod ang mga motorista sa batas-trapiko at maiwasan ang aksidente sa daan.
Ngayong 2026 ay mayroon nang 149 na naitalang vehicular accidents sa Lungsod ng Cauayan.











