Pinalawak pa ng Philippine Statistics Authority o PSA Regional Office ang kanilang serbisyo sa publiko matapos ilunsad ang Mobile Civil Registry System o CRS Outlet at official services sa Santiago City.
Layunin nito na mapabilis at mas mailapit sa publiko ang pagkuha ng mga civil registry documents at iba pang serbisyong kaugnay ng National ID.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Emperador, Chief Statistical Specialist ng PSA Isabela, sinabi niya na isinasagawa ng Mobile CRS Outlet ang pag-iisyu ng civil registry documents gaya ng birth certificate sa mga itinakdang petsa, kabilang ang Mayo 20 at Hunyo 24, 2026.
Dagdag pa niya, naglaan ang lokal na pamahalaan ng sapat na espasyo sa isang boarding house sa Barangay Malvar upang magsilbing pansamantalang sub-office ng PSA.
Sa pamamagitan nito, hindi na kinakailangan pang bumiyahe ng mga residente papunta sa CRS outlets sa mga kalapit na lugar tulad ng Quirino Province, Bayombong Nueva Vizcaya at Ilagan City para sa kanilang mga transaksyon.
Kabilang sa mga serbisyong inilalapit sa publiko ay ang registration, updating, at correction ng demographic information, pati na rin ang pag-iisyu ng ePhil ID.
Kasabay nito, nagsagawa rin ang lokal na civil registry office ng Mobile Civil Registration at Birth Registration Assistance Project noong ika-24 ng Mayo.
Layunin nito na mapadali ang birth registration, gayundin ang correction ng entries sa birth, marriage, at death certificates, at iba pang mahahalagang civil documents.
Binigyang-diin ng PSA Isabela na mahalagang hakbang ang programang ito upang mas mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga residente ng Santiago City at mga karatig-bayan.
Sa pahayag ni Ginoong Emperador, malaking tulong ang ibinigay ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng espasyo para sa kanilang sub-office.
Aniya, sa halip na pumunta pa sa malalayong CRS outlets, maaari nang gawin sa Santiago City ang pagproseso ng mga dokumento tulad ng birth certificate.
Dagdag pa niya, patuloy na lumalawak ang serbisyo ng PSA dahil sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang gawing mas mabilis at mas accessible ang public service.





