Inamin ng Malacañang na nakakasama sa imahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsampa ng impeachment complaint at iginiit na wala itong benepisyo para sa administrasyon.
Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni Cong. Jonathan Flores tungkol sa one-year bar rule ng Konstitusyon, na nagsasaad na kapag na-refer at na-initiate na ang isang impeachment complaint sa House Committee on Justice, hindi na maaaring tumanggap ng panibagong reklamo laban sa Pangulo sa loob ng isang taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi maituturing na bentahe ang maagang paghahain ng impeachment complaint dahil ang anumang imbestigasyon laban sa Pangulo ay negatibong nakakaapekto sa imahe ng pamumuno ng bansa.
Dagdag pa niya, negatibo rin ito sa pananaw ng mga ekonomista at sa kabuuang ekonomiya, dahil nag-iiwan ito ng impresyon ng kaguluhan o kawalan ng tiwala sa pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Castro na wala pa siyang tiyak na impormasyon kung nagkaroon na ng pag-uusap sina Pangulong Marcos at ang kanyang anak na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos kaugnay ng inihaing reklamo.
Gayunpaman, iginiit ng Palasyo na malinaw at paulit-ulit ang bilin ng Pangulo sa kanyang anak na gampanan ang tungkulin bilang mambabatas at manatiling patas sa proseso.











