--Ads--

‎Kinailangang bigyan ng agarang medikal na atensyon ang ilang kalahok matapos makaranas ng pagkahilo, pagkahimatay, at iba pang minor medical emergencies sa gitna ng matinding init ng panahon habang isinasagawa ang Mass Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Demonstration ng Lokal na Pamahalaan ng Luna, Isabela sa Luna National High School bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month at National CPR Day.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chris Guillermo, Nurse ng Rural Health Unit (RHU) Luna, sinabi niyang kabilang na sa contingency plan ng mga organizer ang posibilidad ng mga ganitong insidente kaya bago pa man magsimula ang programa ay nagtatalaga na ang lokal na pamahalaan ng advance medical team, incident medical team, rescue unit, at mga tauhan ng RHU upang matiyak ang agarang pagtugon sa sinumang mangangailangan ng medikal na atensyon.

‎Ayon kay Guillermo, agad na rumesponde ang mga medical responders sa mga kalahok na nakaranas ng pagkahilo, pagkahimatay at iba pang minor medical emergencies, dahilan upang hindi na lumala ang kanilang kondisyon at maipagpatuloy nang maayos ang buong aktibidad.

‎Bukod sa paghahandang medikal, naglatag din ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ng komprehensibong security at crowd management plan upang mapanatili ang kaayusan at matiyak na walang magkakagulo o masasaktan sa kabuuan ng programa.

--Ads--

‎Sa kabila ng mga naitalang insidente, naging matagumpay ang pagsasagawa ng Mass CPR Demonstration na dinaluhan ng malaking bilang ng mga kalahok bilang bahagi ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko sa wastong pagtugon sa cardiac emergencies at iba pang sitwasyong nangangailangan ng agarang first aid.

‎Hinikayat naman ni Guillermo ang publiko na huwag palampasin ang mga kahalintulad na aktibidad sa kanilang mga komunidad dahil ang mga natututunang life-saving skills, tulad ng CPR, ay maaaring magamit sa pagliligtas ng buhay sa oras ng sakuna at iba pang emergency.