--Ads--

Hindi sapat ang mass resignation ng mga halal na opisyal upang malutas ang malawakang katiwalian sa pamahalaan, ayon sa pahayag ng Makati Business Club (MBC) kasunod ng kontrobersyang bumabalot sa mga proyekto ng flood control.

Ang pahayag ng MBC ay tugon sa panawagan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magkaroon ng snap elections sa sangay ehekutibo at lehislatibo, kasunod ng mga alegasyong may malawakang korapsyon sa gobyerno.

--Ads--

Sa halip na mass resignation o snap elections, iginiit ng MBC na dapat tutukan ng Kongreso ang matagal nang mga panukala para sa sistematikong reporma.

Kabilang sa mga tinukoy ng MBC ang pagpasa ng Anti-Political Dynasty Law, mga pagbabago sa Bank Secrecy Law, at ang matagal nang nakabinbing Freedom of Information (FOI) bill.

Binigyang-diin din ng MBC ang kahalagahan ng suporta para sa mga panukalang batas nina Senador Risa Hontiveros, Akbayan Rep. Chel Diokno, at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima. Layunin ng mga ito na bigyang-lakas ang Independent Commission for Infrastructure na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang imbestigahan ang iregularidad sa mga flood control project.

Hinimok din ng MBC na ang pambansang badyet para sa 2026 ay dapat sumalamin sa tunay na pangangailangan ng bansa kabilang ang maayos na pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, at mga programang panlipunan na batay sa malinaw na alituntunin.

Bukod dito, iminungkahi ng MBC ang pagbuo ng isang multisectoral na grupo na binubuo ng mga eksperto upang magbalangkas ng mas mahusay na sistema sa pagtukoy, pagpaplano, at pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan. Dapat itong nakabatay sa transparency, fair bidding, at citizen monitoring, ayon sa kanila.

Dagdag pa ng business group, may mga repormang maaaring ipatupad agad sa pamamagitan ng mga administratibong hakbang.