Binatikos ng IBON Foundation ang Department of Energy o DOE dahil sa kabila ng monitoring nito sa presyo ng langis, nananatiling hindi makatarungan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ngayong araw, muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation sinabi niya na malapit nang magdalawang buwan ang krisis sa langis, ngunit wala pa ring konkretong aksyon ang pamahalaan upang tugunan ito.
Aniya, sobra-sobra na ang kita ng mga oil firms dahil sa hindi makatwirang pagtataas ng presyo kahit mas mababa ang kanilang gastos sa pagbili ng suplay mula sa ibang bansa. Idinagdag niya na ayon sa pamahalaan, may fuel inventory ang bansa na tatagal ng 30 araw, kaya’t ang sunud-sunod at malalaking oil price hike sa buwan ng Marso ay hindi makatarungan, dahil mababa naman ang presyo ng kanilang stock.
Giit ni Africa, dapat agad na tugunan ng pamahalaan ang sitwasyong ito at maparusahan ang mga kompanyang lumalabag sa tamang pricing, lalo na sa kasalukuyang krisis.
Naungkat din niya ang malamyang pakikipag-usap ng pamahalaan sa United States, na siyang pinakamalaking oil producer at exporter sa mundo, kung saan pangalawa lamang ang Saudi Arabia. Ayon kay Africa, dapat pag-ibayuhin ang dayalogo sa United States upang makabili ng mas abot-kayang suplay ng langis.
Aniya, sa buong Southeast Asia, tanging Pilipinas at Singapore lamang ang walang kapangyarihang kontrolin ang presyo ng langis, kaya agad na nararamdaman ng mga mamamayan ang pagtaas ng presyo.
Dahil dito, mariing panawagan ni Africa na suspindihin ng pamahalaan ang Oil Deregulation Law upang mabawasan ang mataas na presyo ng langis sa merkado at maibsan ang epekto nito sa mga mamamayan.











