CAUAYAN CITY – Nakakaranas na ngayon ng matataas na pag-alon sa mga baybaying bahagi ng Lambak ng Cagayan dahil sa Super Typhoon Nando.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lieutenant Lamie Manglugay, Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, nakakaranas na ng malalaking alon ang dagat na umaabot mula 2.5 metro hanggang 3 metro, na nagdudulot ng rough to very rough sea conditions.
Dagdag pa ni Manglugay, simula pa noong Sabado ay nagpatupad na sila ng “no sail policy” sa iba’t ibang himpilan upang maiwasan ang anumang insidente sa karagatan, partikular sa mga mangingisda.
Sa kasalukuyan, mga lugar tulad ng Sta. Ana, Aparri, Gonzaga, at ilang bahagi ng downstream mula Allacapan hanggang Claveria ay nakararanas na ng banayad hanggang katamtamang lakas ng hangin at masungit na karagatan.
Sa kabila nito, zero maritime incidents ang kanilang naitala sa mga nakalipas na araw.
Naka-deploy din ang mga tauhan ng Coast Guard sa mga flood-prone areas na tinukoy ng Provincial Disaster Risk Management Office. Kabilang sa kanilang ginagawa ay ang pagmamanman sa mga ilog at creek na maaaring pagmulan ng pagbaha, at pagtulong sa pagbubuhat at pamamahagi ng family food packs sa mga apektado ng bagyo.
Paalala ni Manglugay sa publiko, maging mapagbantay at makinig sa abiso ng kanilang Municipal Disaster Risk Management Offices (MDRRMO) at iba pang ahensya upang makaiwas sa disgrasya, lalo na sa mga nakatira malapit sa baybayin at flood-prone areas ng Cagayan.











