
CAUAYAN CITY– Magtatalaga ng maximum deployment of personnel ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa mga paaralan kaugnay ng unang araw ng pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral bukas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Amy Dela Cruz, tagapagsalita ng IPPO na asahan ang pagdagsa ng mga mag-aaral sa mga paaralan at pagbigat ng daloy ng trapiko .
Pangunahing itatalaga ang mga pulis na nasa Traffic Management sa mga paaralan upang tumulong para matiyak na maging maayos ang unang araw ng klase ng mga mag-aaral.
Maglalagay din ng police assistance desk upang tumugon sa mga hindi kanais nais na pangyayari sa unang araw ng klase.
Regular din na mag-uulat ang mga nangangasiwa ng Police Assistance Desk sa mga nagaganap sa pagbubukas ng klase.
Maging ang mga iba’t ibang himpilan ng pulisya sa mga bayan at Lunsod sa Isabela ay magtatalaga din ng mga pulis sa mga paaralan na kanilang nasasakupan.
Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa mga LGUs upang maging maayos ang pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral bukas.










