Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na nagkasundo ang mga producer ng karne ng baboy, traders at retailers na rebyuhin ang gastusin sa layuning mabawasan ang presyo ng karneng baboy.
Matapos ang isinagawang consultative meeting sa mga pangunahing stakeholder, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na maaaring matugunan na sa mga darating na araw ang problema sa mataas na presyo ng baboy.
Isa na rito ang epekto kapag nagkaroon na ng komersiyal na bakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Umaasa naman ang Bureau of Animal Industry (BAI) na ang positibong resulta ng ASF vaccine ang magkukumbinsi sa Food and Drug Administration o FDA para payagan ang commercial na paggamit nito.
Layon ng naging pulong na ipinatawag ng Department of Agriculture (DA) na matukoy ang mga dahilan sa pagtaas ng presyo ng baboy at malaman kung kailangang magtakda at magpatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) upang mapagaan ang pasanin ng mga consumer.