REINA MERCEDES – Nanawagan ng tulong ang may-ari ng baka na kinatay ng hindi pa matukoy na pinaghihinalaan sa mga kasapi ng Reina Mercedes Police Station at sa mga opisyal ng Barangay Malalatang Grande.
Ang may-ari ng baka ay si Frederico Deculeng at residente ng nabanggit na barangay.
Noong linggo ng gabi ay nakatanggap siya ng tawag at ipinaalam sa kanya na ang kanyang bakang ipinastol malapit sa irigasyon ay pinalo saka kinatay.
Kinuha ang buong ribs ng baka at naiwan ang ilang bahagi matapos tumakas ang pinaghihinalaan nang may nakakita sa pangyayari.
Magdadalawang taon pa lamang ang baka at aabot sa tatlumpu’t limang libong piso ang halaga nito kapag naibenta.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Ferdinand Datul, hepe ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na wala pang naiparating sa kanila na sumbong kaugnay nakatay na baka sa kanilang nasasakupan.
Binigyang diin naman ni Ginoong Deculeng, na alam ng mga pulis ang pagkatay sa kanyang alagang baka.
Bukod sa itinawag sa pulisya ng kanilang Punong Barangay ay may mga pulis na ring nagsiyasat sa pangyayari at nagtungo rin siya sa himpilan ng pulisya upang makuhanan ng pahayag.