CAUAYAN CITY – Pinatay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace negotiation kapag tinanggal ang Oslo, Norway at ipilit na gawin sa Pilipinas ang peace talks.
Inihayag ito ni CPP Founder Jose Maria Sison kaugnay ng kagustuhan ni Pangulong Duterte na ganapin sa bansa ang pag-uusap pangkapayapaan.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang diin ni Sison na may evil plan kaya nais na gawin sa Pilipinas ang pag-uusap ngunit hindi papayag ang NDF dahil labag sa standing agreement na isagawa ito sa foreign neutral venue.
Iginiit ni Sison na ayaw nilang maulit ang nangyari noong Cory administration na ginawa sa Manila ang peace talks ngunit nang ma-break ang ceasefire agreement ay inaresto, pinahirapan, ikinulong at pinatay ang maraming personnel ng NDF.
Nagkaroon ng malaking aral ang NDF at hindi na pumayag na gawin sa Manila ang pag-uusap.
Ayon kay Sison, gusto siyang i-hostage ng militar maging ang mga negotiator at consultant ng NDF kapag umuwi sila sa Pilipinas.




